Pagiimprenta sa mga balotang gagamitin sa May 9 elections, sinimulan na

by Radyo La Verdad | February 15, 2016 (Monday) | 3327

VICTOR_PRINTING
Matapos ang tatlong ulit na pagpapaliban natuloy na ngayong araw ang pag imprenta sa mga balotang gagamitin sa May 9 elections.

January 26 unang itinakda ang pag-imprenta sa mga balota ngunit ipinagpaliban sa Feb. 1 at Feb. 8 upang hintayin ang resolusyon ng Korte Suprema sa mga kaso laban sa ilang kandidato.

Muli itong ipinagpaliban nitong February 15 dahil kinailangang i-modify ang Election Management System na siyang gumagawa sa itsura ng mga balota.

Aabot sa 56.7 million ang balotang iimprenta para sa halalan ng National Printing Office o NPO.

3 ang printer na gagamitin, dalawa rito ay nirentahan ng NPO.

Mas maiksi ang balota ngayon na may sukat na 20 inches ang haba kumpara noong 2010 at 2013 elections na 27 inches ang haba kaya kumpyansa ang comelec na kayang makapag imprenta ng mahigit sa 1 milyong balota sa loob ng isang araw.

Mas mahaba naman ang balota para sa ARMM dahil nilagyan pa ito ng Arabic translations kaya aabutin ng 24 inches ang haba.

Pagkatapos ng printing, dadalhin naman ang mga balota sa ballot verification area kung saan isa isang ipapasok sa Vote Counting Machine o VCM upang masigurong hindi ito irereject ng makina.

24/7 ang printing sa NPO at dalawang shift ang mga tauhan na gagamitin dito.

Samantala, anim ang pasok sa listahan ng mga kandidato sa pagkapangulo at kasama sa mga iimprenta ng balota.

Kabilang dito si Vice President Jejomar Binay, Senator Grace Poe, Mar Roxas, Senator Mirriam Defensor Santiago, Davao City Mayor Rodrigo Duterte at ang pumanaw na si Congressman Roy Señeres.

Anim din ang kandidato sa pagka pangalawang pangulo.

Sina Senator Gringo Honasan, Senator Chiz Escudero, Senator Bongbong Marcos, Congresswoman Leni Robredo, Senator Alan Peter Cayetano at Senator Antonio Trillanes IV.

Limampu ang pasok sa listahan ng mga kandidato sa pagka senador at 115 naman sa partylist race.

(Victor Cosare / UNTV Correspondent)

Tags: , ,