Hindi titigil ang Philippine National Police hangga’t hindi naaaresto ang mga drug personalities na nasa kanilang arrest order, lalo na ang mga narco-politician na sangkot sa pagpopondo sa gawain ng Maute terrorist group.
Ayon kay PNP Chief Ronald Bato dela Rosa, wala silang nalalabag na anuman dahil hindi naman ito anti-drug operation. Tuloy rin ang imbestigasyon ng PNP sa mga umanoy pulitiko na nagkanlong sa mga Maute.
Uumpisahan na rin ng PNP ang rehabilitasyon sa Marawi Police Station. Sa pinakahuling tala ng PNP, pitong pulis ang napatay sa giyera sa Marawi habang 61 naman ang sugatan at ginagamot.
Sinigurado naman ni dela Rosa na mabibigyan ng award at promotion ang mga pulis na nakipaglaban sa giyera. Sa Miyerkules inaasahang uuwi na sa Maynila ang mga SAF trooper mula sa Marawi.
Ikinagalit naman ni dela Rosa ang mga kumukwestyon sa planong promotion para sa commander ng PNP Task Force Marawi na si PSSupt. Rolando Anduyan.
Naniniwala si dela Rosa na mga senior na opisyal ng PNP ang nagrereklamo sa kanyang desisyon. Naniniwala din ito na tama ang kanyangd desisyon na mabigyan ng promosyon ang mga naghirap sa trabaho lalo na ang mga nakipagbakbakan sa Marawi.
( Mon Jocson / UNTV Correspondent )
Tags: Marawi, narco-politician, PNP