Malaki ang makukuhang pakinabang ng Pilipinas sa paghohost natin sa Asia Pacific Economic Cooperation o APEC meetings sa Nobyembre.
Ayon sa Department of Trade and Industry, isa sa may malaking pakinabang dito ay ang Micro Small and Medium Sized Enterprises o MSME.
Sa mga naunang idinaos na pulong ng mga delegado sa bansa bago ang APEC Summit, nagkasundo ang 21 member economies na bigyan ng suporta ang mga MSME.
Ayon sa DTI, dati ay hindi nabibigyan ng pansin ang mga msme pagdating sa paggawa ng mga polisya at pagkakasundo ng mga bansa na may kaugnayan sa exportation.
Ang Boracay action plan na nabuo sa mga ginanap na miting ng APEC member countries sa Pilipinas ang nakikitang paraan upang mapagtuunang pansin ang interest ng MSME lalo na pagdating sa pandaigdigang bentahan.
Ang isa pang nakikitang benepisyong makukuha ng bansa sa paghohost ng APEC ay ang pagkakaroon ng mas maraming investments.
Ngayon palang marami nang mga malalaking kumpanya ang naglalagay ng puhunan sa bansa ayon sa DTI.
At dahil nga sa magandang relasyon ng bansa sa ibat ibang APEC member countries dahil sa paghohost nito ng APEC 2015, inaasahan na mas madami pang malalaking kumpanya ang magtatayo ng negosyo sa Pilipinas na kalaunay magdadala ng mas maraming trabaho. (Darlene Basingan/UNTV Correspondent)
Tags: APEC 2015, Asia Pacific Economic Cooperation, Nobyembre, Pilipinas