Paghiwalay sa empleyado bakunado at di bakunado, tinutulan at dapat pag-aralan

by Erika Endraca | July 9, 2021 (Friday) | 2765

METRO MANILA – Naiintindihan ng grupo ng mga manggagawa ang layunin ng panukalang paghiwalayin ang mga bakunado at hindi bakunadong manggawa sa kanilang mga opisina.

“Ang problema nito kapagka ito ay ipinasa pa doon sa expenses na dapat ibigay nila sa mga manggagawa hindi naman tama yun” ani ALU-TUCP Spokesperson, Alan Tanjusay.

Pero sa ngayon ay sapat na anila ang ipinatutupad na health protocol sa mga lugar na pinagtatrabahuhan para maiwasan ang hawahan ng COVID-19.

“Marami naman sa mga manggagawa ang desidido nang magpabakuna. Ang problema sa kasalukuyan, kulang yung bakuna” ani ALU-TUCP Spokesperson, Alan Tanjusay.

Ayon kay Go negosyo founder at Presidential Adviser on Entrepreneurship Joey Conception, mas madaling mahawa ang mga hindi bakunado kaysa sa mga bakunado kaya’t dapat aniya na magkaroon ng hiwalay na lugar ang mga ito sa kanilang mga pinagtatrabahuhan.

Sa pagtataya ni Concepcion, posibleng sa Oktubre ay payagan nang makapasok ang mas maraming mga manggagawa dahil mas marami na aniya ang nababakunahan sa ganung buwan.

Pero ngayon pa lamang aniya ay dapat ng pagaralan ito lalo na’t kailangan ding ihanda ang transportasyon.

Hindi naman aniya ito maituturing na diskriminasyon.

“Siyempre yung hindi kumuha ng vaccine, madali silang mahawahan di ba… that’s non-discriminatory. Papasok narin sila, nakapasok din sa opisina walang problema pero isang lugar” ani
Presidential Adviser on Entrepreneurship Joey Concepcion.

Ayon naman kay Labor Asec Nikki Tutay, suportado ni Sec Silvestre Bello III ang panukala subalit dapat pang malaman kung paano ito ipatutupad dahil posibleng magdagdag ito ng gastos sa mga manggagawa.

Ayon pa kay Concepcion, mas produktibo parin kung pisikal na papasok ang mga manggagawa kumpara sa work from home.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: ,