Paghingi ng libreng abugado ni dating MRT-3 General Manager Vitangcol, ipina-uubaya na ng Sandiganbayan sa PAO

by Radyo La Verdad | February 5, 2016 (Friday) | 1447

SANDIGANBAYAN
Ipinauubaya na ng Sandiganbayan sa Public Attorney’s Office kung nararapat bang mabigyan ng PAO lawyer si dating MRT-3 General Manager Al Vitangcol.

Ayon kay Presiding Justice Amparo Cabotaje Tang, hindi maaaring ang korte ang magsabi na qualified upang makakuha ng libreng abugado ang dating MRT official.

Aniya, may mandato ang PAO patungkol sa mga tatanggaping kliyente nito katulad ng mga indigent, under-privileged o mga mahihirap na walang pambayad sa abogado.

Ipinag-utos ng korte na kung ano man ang magiging desisyon ng PAO, bigyan nalang ng abiso ang Sandiganbayan sa loob ng limang araw.

Nasampahan ng kasong graft at paglabag sa Government Procurement Law si Vitangcol sa Sandiganbayan dahil sa umano’y conflict of interest sa maintenance contract ng MRT 3 sa kumpanyang PH Trams noong 2012.

Tags: , , ,