SULU, Philippines – Paghihiganti ang isa sa mga nakikitang dahilan ng Armed Forces of the Philippines sa nangyaring pagbabasabog sa Jolo, Sulu noong Linggo.
Sa ulat ng Western Mindanao Command, umabot na sa 21 ang namatay at 96 naman ang sugatan.
Kinilala ang suspek na si alyas Kamah na kapatid umano ni Abu Sayyaf Group subleader Sukara Ingug na napatay ng mga militar noong Agosto ng nakaraang taon. Miyembro rin ito ng Ajang-Ajang na isang grupo na konektado sa Abu Sayyaf.
Sa kuha ng cctv, makikita si Kamah at ang dalawa nitong kasamahan na naglalakad matapos ang unang pagsabog. Ilang segundo lamang ang nakalipas, may dinukot ito sa kaniyang bulsa na pinaniniwalaang cellphone na ginamit bilang triggering device ng isa pang improvised explosive device (IED) na sumabog sa labas ng katedral. Pagkatapos nito ay agad namang tumakas ang mga suspek sa lugar.
Ayon kay Lieutenant Colonel Gerry Besana, tagapagsalita ng AFP WestMinCom, base sa kanilang intelligence report ay matagal nang may planong gumawa ng karahasan si Kamah.
“Ito rin yun nagbanta sa atin. Na-monitor natin ‘yan through our intelligence na gaganti talaga ito so ito yung matagal na nating binabantayan since last year. May dalawa pa siyang kasama. Actually, ito ‘yung Ajang-Ajang kasi nag-evolve ito from mga criminal syndicate diyan. Alam mo ‘yung mga adik-adik sa Jolo noong araw,” ani Lieutenant Colonel Besana.
Samantala bumisita si Pangulong Rodrigo Duterte sa Sulu kahapon partikular sa pinangyarihan ng pagsabog. Galit na ipinag-utos ng Punong Ehekutibo na pulbusin ang bandidong Abu Sayyaf Group sa lahat paraang at kagamitan mayroon ang sandahang lakas.
“I order you to destroy the organization. I’m ordering you now pulpugin (pulbusin) ninyo ang Abu Sayyaf by whatever means. Mayroon (man) tayong helicopter, may eroplano mayroong mga barko, ‘yung mga bala natin diyan sa mga kanyon ninyo,” pahayag ni Pangulong Duterte.
Sa ngayon naka-lockdown ang Sulu. Ibig sabihin, hindi basta-bastang makapapasok at makalalabas sa lugar kung walang sapat na dahilan.
Tiniyak naman ng AFP na gagawin nila ang lahat upang mapanagot ang mga sangkot sa karahasang nangyari sa lugar.
(Dante Amento | UNTV News)
Tags: Abu Sayyaf, Armed Forces of the Philippines, Armed Forces of the Philippines Western Mindanao Command, jolo, Jolo Sulu, Kamah