Batay sa resolusyon ng DOJ, may sapat na ebidensiya upang kasuhan ang magkapatid na Vice Mayor Nova Princess Parojinog-Echavez at Reynaldo Parojinog Jr. Kasong illegal possession of firearms and ammunition at posession of dangerous drugs ang ihahain kay Vice Mayor Parojinog-Echavez.
Kaugnay ito sa nakuhang M16 rifle magasin, mga bala,sampung plastic sachet ng hinihinalang shabu at mga drug paraphernalia sa raid sa kanyang bahay sa Barangay San Roque, Ozamiz City noong nakaraang linggo. Tatlong counts ng illegal possession of firearms and ammunition naman, illegal possession of explosives at possession of dangerous drugs ang isasampang kaso kay Reynaldo Jr.
Nakumpiska sa kanyang bahay sa Purok dos, Baybay, Brgy. Sta. Cruz, Ozamiz City ang isang shotgun, isang ingram sub-machine pistol, isang caliber 40 pistol, sari-saring bala at isang granada.
Narekober din sa kanyang bahay ang siyam na plastic sachet ng hinihinalang shabu at sari-saring drug paraphernalia. Parehong walang lisensiya ang mga nakumpiskang baril sa magkapatid.
Ayon sa DOJ, legal ang pag-aresto sa magkapatid dahil resulta ito ng pagsisilbi ng valid na search warrant. Katanggap-tanggap din aniya ang dahilan ng PNP-CIDG sa pagkakaantala ng inquest proceedings sa magkapatid.
Isasampa ang mga kaso sa Regional Trial Court sa Ozamiz City.
(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)
Tags: DOJ, Ozamiz City, Parojinog