Paghahayag sa iba pang “narco politicians” hindi pa tapos ayon sa DILG

by Radyo La Verdad | August 9, 2016 (Tuesday) | 979

sueno
Hindi dapat maging kampante ang mga alkalde sa Metro Manila kung wala sila sa listahan ng mga pinangalanang local government officials na umano’y sangkot sa illegal drug trade.

Ayon kay Interior and Local Government Secretary Ismael Sueno, hindi pa tapos si Pangulong Rodrigo Duterte sa paghahayag ng mga sinasabing “narco politicians” sa bansa.

Sa ngayon ay nasa proseso pa ng pangangalap ng mga ebidensya ang investigating agencies ng pamahalaan laban sa ilang Metro Manila officials na inuugnay sa operasyon ng iligal na droga.

Samantala, sinubukan namin hingian ng reaction ukol dito ang ilang alkalde sa Metro Manila.

Sa isang text message, sinabi ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian na kaisa siya sa anti-drugs initiative ng Duterte administration.

Sa isang pahayag sinabi naman ni Manila Mayor Joseph Estrada na wala siyang nakikitang mali sa pagpapangalan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng mga local government official na isinasangkot sa illegal drug trade.

Itinanggi naman ng Office of the Vice Mayor ng Pasig City, Iyo Caruncho Bernardo na siya ang nagpatakbo sa munisipyo ngayon dahil umalis na umano ng bansa si Mayor Bobby Eusebio.

Una na ring humarap sa mga mamamahayag si Eusebio noong isang linggo upang itanggi ang mga kumakalat na balita na personal siyang pinuntahan ni President Duterte upang kastuguhin dahil sa talamak na problema sa droga sa kanyang lungsod.

Ayaw naman munang magbigay ng pahayag sa ngayon ni Navotas Mayor John Rey Tiangco sa isyu

Si Mayor Jaime Fresnedi naman ng Muntinlupa ay kasalukuyang out of the country samantalang si San Juan Mayor Guia Gomez ay out of town

Habang hindi pa nagpapa unlak ng panayam ang iba pang alkalde sa Metro Manila.

(Bernard Dadis/UNTV Radio)

Tags: