METRO MANILA – Pormal nang nilagdaan ng Land Transportation Office (LTO) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang isang Memorandum of Agreement upang paigtingin pa ang mga kurso ng pagmamaneho sa bansa.
Nilagdaan kahapon (March 12) nina LTO Chief Edgar C. Galvante at TESDA Director General Secretary Isidro “Sid” Lapeña ang MOA at sinaksihan naman ito nina LTO Executive Director Romeo Vera Cruz at TESDA Deputy Director General for TESD Operations Lina Sarmiento.
“Sa partnership na ito, mas marami na ang mai-ooffer ng gobyerno na libreng driving courses para sa mga interesadong mag-avail ng driver’s training. Ito po ang sagot ng ating mga pamahalaan sa hiling ng publiko para sa dekalidad at murang training program para sa mga drivers,” ani Asec Galvante.
Palalakasin ng MOA ang mga training centers ng TESDA sa pagbibigay ng Theoretical Driving at Practical Driving courses na kahalintulad ng mga kursong ibinibigay din ng LTO. Ang national certificates na ibinibigay ng TESDA sa kanilang mga driving courses ay magiging katumbas din ng ibinibigay na certificates ng LTO.
Layon din ng MOA na makapagtapos ng mas maraming qualified drivers na kinakailangan sa labor market.
“Sa ating data from PSA [Philippine Statistics Authority], isa sa mga pangangailangan sa labor market ay mga qualified drivers. As we transition to the new normal, kailangan ng mga drivers, ito ang constant na pangangailangan ng mga industries. And, we have regional offices who can reach out to those in need of the training. Libre po ito,” ayon kay Secretary Lapeña.
(Beth Pilares | La Verdad Correspondent)