Paghahalo ng magkaibang brand ng COVID-19 vaccine, kailangang pag-aralan pa – FDA

by Erika Endraca | August 13, 2021 (Friday) | 1989

METRO MANILA – Ipinahayag ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Usec. Eric Domingo na kailangan pang pag-aralan sa bansa ang epekto ng mix and match o paghahalo ng magkaibang brand ng bakuna.

Ito ay matapos iminungkahi ni National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer at vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Junior na gamitin ang AstraZeneca bilang pang second dose ng mga una nang nabakunahan ng Sputnik V.

Sa ngayon hindi pa rin tiyak ng FDA ang posibleng side effects sakaling magkaiba ang brand ng first at second dose ng COVID-19 vaccines.

“Hindi pa naman natin nire-recommend yon at this time kasi nga mayroon namang hinihintay sila na second dose and we know na kahit na ma-delay naman ng konti yung second dose, maaari pa rin naman siyang ibigay.” ani FDA Director General Usec. Eric Domingo.

Batay sa inaprubahang Emergency Use Authorization ng FDA, 42-days ang interval o ang pagitan sa pagpapabakuna ng first at second dose ng Sputnik V.

Kamaikailan sinabi ng Russian Direct Investment Fund na pwedeng mapalawig hanggang 180-days ang interval ng Sputnik V vaccines.

Gayunman ayon kay DG Domingo, hindi naman mababalewala ang unang dose ng Sputnik V sakaling maantala ang pagbabakuna ng second dose nito dahil mabisa pa rin ito na paglaban sa COVID-19.

“Hindi naman siya mababalewala. Actually, yung Sputnik nga, nag-apply na rin sila ng registration ng Sputnik light which is already approved in some countries and yung Sputnik light, ang equivalent nun ay yung first dose na ibig sabihin ay single dose lamang na parang Jansen.” ani FDA Director General Usec. Eric Domingo.

Samantala, pinag-aaralan pa rin ng mga health experts sa bansa ang tungkol naman sa paggamit ng Sputnik light na single-dose vaccine.

Ayon naman sa NTF, mayroong 15,000 doses ng Sputnik V ang inaasahang darating sa bansa ngayong araw (August 13).

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)

Tags: ,