Paggamit sa Pasig River Ferry, paiigtingin ng pamahalaan upang makatulong sa mabigat na trapiko sa Metro Manila

by Radyo La Verdad | January 22, 2018 (Monday) | 3797

Habang hinihintay na matapos ang Build, Build, Build project ng pamahalaan, paiigtingin muna ng administrasyon ang paggamit sa Pasig River Ferry System upang makatulong sa mga commuter na naiipit sa mabigat na trapiko sa Metro Manila.

Bukod sa umiiral na biyahe ng Pasig River Ferry na mula sa San Juaquin, Pasig hanggang sa may Plaza Mexico sa may Intramuros, Manila, uumpisahan na sa darating na Hunyo ang biyaheng Pasig papuntang Noveleta, Cavite.

Magsisimula ito sa may Plaza Mexico Station at diretsong biyahe patungong Noveleta. Sa taya ng Pasig River Rehabilitation Commission o PRRC, aabutin lamang ng 45 minutes ang biyahe kumpara sa halos tatlong oras na biyahe sa bus lalo na kung rush hour.

Ang mga ferry boat ay kayang magsakay ng isang daang tao, fully airconditioned, may libreng wifi at moderno ang disenyo. Isang daang piso ang magiging pasahe sa Pasig-Cavite Ferry kapag nagsimula na ito sa Hunyo.

Uumpisahan sa apat na unit ng PRRC ang gagamiting ferry sa Hunyo upang makapag-serbisyo sa publiko. Matapos ang biyaheng Pasig-Cavite, isusunod ng PRRC ang biyaheng Pasig-Laguna.

Pinaplano pa ng PRRC kung saan sa Laguna ang pinakamagandang paglagyan ng Ferry Terminal na mas marami ang makikinabang.

Imo-modernize ng PRRC ang buong Pasig River Ferry System at inaasahan na mababawasan ng 30% ang trapiko sa buong Metro Manila kung magiging matagumpay ang naturang proyekto.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,