Hindi lamang demo ang ginawa ng Commission on Elections sa bagong Vote Counting Machines na gagamitin sa national at local elections sa darating na Mayo a-nueve.
Dahil dito sa Iloilo City, ipinasubok ng COMELEC sa mga miyembro ng media ang paggamit ng VCM upang makapagbigay sila ng tamang impormasyon sa publiko.
Ayon sa COMELEC, malaki ang papel ng media sa pagbibigay ng ulat at monitoring sa mga sitwasyon sa araw ng halalan kaya dapat nilang masubukan ang mga makina upang malaman ang proseso nito.
Gamit ang sample ballots, sinubukan ng media personnel ang tamang shading sa mga bilog saka ito ipinasok sa VCM.
Sinubukan rin nilang tupiin, dumihan at basain ang mga balota upang malaman kung babasahin ito ng makina.
Nag-overvoting at undervoting rin, may naglagay ng unnecessary writings, may nagpunit ng balota, nagsulat sa security features, timing marks at barcode.
Muli ring nagpaalala ang COMELEC sa mga botante na ingatan ang mga balota dahil isa lang ang ibibigay nila kada botante; bawal ring magdala ng cellphone sa loob ng presinto at bawal ilabas ang voter’s receipt.
Pinapayuhan rin ang mga botante na magdala ng listahan o kodigo ng mga kandidatong iboboto upang mabilis ang pagboto.
Ang Iloilo City ay may 261,000 registered voters; ito rin ang may pinakamaraming clustered precincts sa Region 6 na umabot sa 430 habang 61 naman ang polling centers.
(Lalaine Moreno / UNTV Correspondent)
Tags: COMELEC, Iloilo City, mga kawani ng media, vote counting machines