Paggamit ng tricycle bilang school service, ipinagbawal sa Quezon City

by Radyo La Verdad | June 2, 2016 (Thursday) | 2137

MON_TRICYCLE
Hindi papayagan ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang mga tricycle na ginagawang school service ngayong pasukan.

Ayon sa city administrator ng lungsod, bukod sa hindi otorisado ng land transportation franchising and regulatory board, wala ring insurance ang mga tricycle hindi gaya ng mga lehitimong school service.

Sa umiiral na ordinansa ng Quezon City, hanggang tatlong tao lamang ang pwedeng isakay ng tricycle at bawal ang bata na mag back ride.

Huhulihin ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang sinomang lalabag sa ordinansa at pagmumultahin ng tatlong libo hanggang limang libong piso.

Sa Quezon City, nasa apat na pung libo na ang tricycle bukod pa dito ang mga kolorum kaya sa dami nito ay nahihirapan ang lokal na pamahalaan sa monitoring.

Samantala, sangayon naman ang LTFRB sa hakbang na ito ng Quezon City.

Dahil dito, susulatan ng ltfrb ang mga lokal na pamahalaan upang makiusap na huwag na ring pahintulutan ang mga tricycle na gawing school service.

Ang mga tricycle sa buong bansa ay hindi nasasakop ng LTFRB at ito ay nasa hurisdiksyon ng mga lokal na pamahalaan.

(Mon Jocson / UNTV Correspondent)

Tags: , ,