Hayag na binabanggit ni President-elect Rodrigo Duterte na mag fo-focus ang kanyang administrasyon sa paggamit ng mas malinis na uri ng enerhiya.
Ito ay ang paggamit ng tinatawag na renewable energy gaya ng solar, wind at hydro power.
Di kalaunan ay plano ng Duterte adminisitration na unti-unti ng bawasan ang paggamit ng coal at diesel.
Sa kasalukuyan, malaking porsyento ng enerhiyang nagagamit ng bansa ay mula sa coal, diesel at natural gas.
Ang ganitong uri ng enerhiya ay hindi na re-recycle at nagiiwan ng masamang epekto sa kalikasan.
Ang abo ng coal na end product ng pagsunog dito ay hindi na napapakinabangan.
Nakakadagdag rin sa polusyon sa hangin ang usok na nagmumula sa mga coal, diesel at gas power plant.
Sa ngayon mayroong plano na mas palawigin ang tinatawag na FIT o Feed in Tariff.
Ang Feed in Tariff ay isang component na sinisingil sa bill ng mga consumer kapalit ng mga itinatayong renewable energy gaya ng mga solar power plant.
Sa ngayon ay nasa 12 centavos ang fit-all charge na sinisingil sa mga consumer, tataas pa ito kapag mas maraming renewable energy na planta ang maitatayo.
Ipinaubaya naman ng DOE ang pagdedesisyon sa pagpapalawig ng FIT sa susunod na administrasyon.
Maging ang Energy Regulatory Commission na siyang regulatory body sa pagtatakda ng singil sa kuryente ay nakahdang sumunod sa anumang ipaguutos ng Duterte administration.
(Mon Jocson / UNTV Correspondent)