Paggamit ng protocol plates, pinag-aaralang ipagbawal na

by Radyo La Verdad | July 22, 2016 (Friday) | 1112

MON_REPEAL
Mismong si President Rodrigo Duterte na ang nagsabing wala siyang balak gamitin ang nakatalaga sa kanyang protocol plate at maging ang mga miyembro ng kanyang gabinete.

Kaugnay nito, naghain kamakailan ng panukalang batas si Navotas Rep.Toby Tiangco upang ipatigil na ang paggamit ng mga ito sa mga opisyal ng pamahalaan.

Sinabi ni Cong. Tiangco na wala naman itong kinalaman sa pagganap ng tungkulin ng isang government official at kadalasan lamang itong naabuso.

Sinabi naman ng Land Transportation Office na pinag-aaralan na ng kasalukuyang administrasyon na pawalang bisa ang Executive Order 400 ni dating Pangulong Gloria Arroyo na bumuhay sa paggamit ng mga naturang low –numbered plates.

Kabilang sa mga pinapayagang gumamit ng protocol plates ang presidente, bise presidente, chief justice, mga senador, congressmen, cabinet secretaries, PNP chief, AFP chief of staff at iba pang mataas na opisyal.

Pabor din ang Metropolitan Manila Development Authority sa panukalang batas lalo na at nangingimi rin ang kanilang mga tauhan na hulihin ang isang sasakyan na lumabag sa batas trapiko kapag ito ay may protocol plate.

(Mon Jocson / UNTV Correspondent)

Tags: ,