Paggamit ng One Health Pass ng mga papasok sa Pilipinas, epektibo na simula Sept. 1

by Erika Endraca | August 31, 2021 (Tuesday) | 1273

METRO MANILA – Simula sa Miyerkules Septepmber 1, obligado nang magparehistro sa website ng One Health Pass ang lahat mga biyaherong papasok ng Pilipinas.

Ito’y matapos na aprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang paggamit nito na layong gawing mas madali ang proseso ng koordinasyon ng mga Pilipinong uuwi ng Pilipinas.

Ayon sa Bureau of Quarantine aalisin na ang mano-manong pagfill-out ng mga form upang makuha ang mga personal na impormasyon ng isang biyahero.

“Paperless na po na from the point of origin po magregister na sila dun sa electronic health declaration checklist and sa pamamagitan po ng pagregister ng isang registration lang po, dere-derecho na po itong maipapasa sa lahat ng ahensya na tumutulong sa pagaasikaso sa mga kababayan natin na umuuwi sa Pilipinas tulad po ng OWWA ng Department of Tourism ng Marina ng PCG at ng OSS” ani Bureau of Quarantine Director, Dr.Roberto Salvador Jr.

Ang isang pasahero na pupunta ng Pilipinas, ay obligadong magparehistro online sa www.onehealthpass.com.ph 3 araw bago ang mismong flight.

Kinakailangan sagutan ang ilang personal na impormasyon at ang flight details.

Bago pa dumating sa airport o magcheck-in eroplano, kinakailangan ding sagutan ang electronic health declaration checklist.

Nahakahanda naman ang mga airline personnel na tulungan ang mga pasahero sakaling hindi sila masyadong marunong sa gadget o online registration.

Makakatatanggap ng QR Code ang 1 pasahero, kapag nakumpleto ang registration.

“Pagdating po sa Pilipinas basta meron na po kayong qr code automatic na po unang step natin is ichecheck kayo ng Bureau of Quarantine so once na may QR code po kayo titignan lang po kayo iiscan kapag meron na po step 2 na po tayo punta napo tayo sa orientation area natin kung saan nandun po yung OWWA para sa balik mangagawa natin sa mga OFW andun po yung Marina para sa mga seafarers natin at nandun po ang DOT para po dun sa mga non-OFW natin so ganun din po iiscan lang po paperless po dapat tayo pagtapos po dun derecho na po sila sa Bureau of Immigration para magkaroon ng clearance then derecho na po sa hotel” ani Bureau of Quarantine Director, Dr.Roberto Salvador Jr.

2 Linggo nagsagawa ng trial ang BOQ ng pagpapatupad ng One Health Pass, kung saan nasa 80% anila ang naging compliance.

Samantala nilinaw naman ng ahensya, na iba pa ang One Health Pass sa ilulunsad rin na Vax Cert PH, na siya namang magsisilbing katibayan na bakunado na laban sa COVID-19 ang isang biyahero na palabas ng bansa.

Nauna nang inianunsyo ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na uumpisahan na rin sa Setyembre ang implementasyon ng Vax Cert PH.

Pinagaaralan naman ng BOQ, kung posible na rin i-integrate ang yellow card sa Vax Cert PH, upang kalaunan ay maging isa naman ang gagamiting dokumento na katunayan na bakunado na ng isang biyahero.

(Marvin Calas | UNTV News)

Tags: , ,