Paggamit ng Long Range Acoustic Device ng PNP sa mga raliyista, paiimbestigahan sa Kongreso

by Radyo La Verdad | November 15, 2017 (Wednesday) | 2466

Hindi na bago sa Philippine National Police ang paggamit ng Long Range Acoustic Device o LRAD.

Ayon kay National Capital Region Police Chief  Oscar Albayalde, nagamit na nila ito noong panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino at Gloria Macapagal Arroyo.

Ginawa ng PNP ang pahayag matapos na umani ng batikos ang paggamit nila nito noong Lunes sa mga raliyista. Depensa ng PNP kailangan nila ang LRAD dahil sa ipinatutupad na maximum tolerance sa lugar.

Ang LRAD ay isang sonic device na lumilikha ng lubhang maingay na tunog na nagbibigay ng discomfort sa sinomang makaririnig nito. Ipinagbawal ang paggamit nito sa ibang bansa dahil maaari itong magdulot ng permanenteng pagkabingi, pagsusuka at minsan ay pagkamatay lalo na kung matagal kang matututukan nito.

Kaya naman nais paimbistigahan ng mga militanteng grupo sa Kongreso kung makatwiran ba na gamitin ng ito ng PNP upang i-disperse ang mga raliyista

Isa sa mga raliyista na nasugatan sa dispersal noong Lunes ang nagpatotoo na hindi maganda ang kaniyang naramdaman ng gamitin laban sa kanila ang LRAD. Hihingi rin ng tulong ang mga militanteng grupo sa Commission on Human Rights.

Ayon sa CHR, pag-aaralan nila kung may nalabag sa karapatang pantao ang PNP hinggil dito.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,