METRO MANILA – Inaprubahan ng Department of Education (DepEd) ang kahilingan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pansamantalang gamitin ng mga lokal na pamahalaan sa kalakhang Maynila ang mga gusali ng ilang paaralan.
Ito ay upang magsilbing karagdagang isolation facilities sa National Capital Region sa gitna ng patuloy na pagdami ng mga nahahawa ng Covid-19.
Sa datos ng MMDA, umaabot na sa 91% ang occupancy rate ng mga hotel na nagsisilbing isolation facility para sa mga positive asymptomatic patients habang mahigit 71% naman ng mga temporary treatment and monitoring facilities ay okupado na ng positive mild-symptomatic patients.
Paliwanag ni MMDA Chairman Benjamin “Benjur” Abalos Jr., malaki ang makakatipid ng pamahalaan kung gagamitin ang mga paaralan bilang isolation facility kumpara sa mga hotel.
“Ang importante kasi sa atin talagang miski asymptomatic mai-isolate. Pero, you know, it will be very costly for us also kung puro hotels naman. That is why we’re already requesting for the use of the school buildings para medyo, unang una, mas convenient sa mga tao dahil malapit lang yung sa lugar nila. Pangalawa, mas cheaper naman. Baka malaking matitipid ng gobyerno rito.” ani MMDA Chairman Benjamin “Benjur” Abalos Jr.
Ngunit ayon kay Chairman Abalos, papayagan lang ng DepEd na gamitin ang kanilang mga paaralan kung wala nang ibang pasilidad na magagamit ang mga lokal na pamahalaan para sa isolation ng mga Covid-19 patients.
Kailangan rin ay kaalinsunod ang mga pasilidad sa mga requirement ng Interagency Task Force on the Management of Emerging Infectious Disease (IATF) at Department of Health.
Hindi rin dapat magsagawa ng iba pang Covid-19 related activities sa mga paaralan na ipahihiram ng DepEd.
Target ng MMDA na gamitin ang mga pasilidad upang maihiwalay at maobserbahan ang mga asymptomatic Covid-19 patient at ang mga nakararamdam na ng mild symptoms.
“Dalawa yan ‘no. Isa yung tinatawag nating temporary yung isolation talaga. Tapos yung isa naman, para may mga sakit sila na medyo mild yung symptoms na, parang semi-treatment facility.” ani MMDA Chairman Benjamin “Benjur” Abalos Jr.
Tiniayak naman ng MMDA na madaling makapaglalaan ang mga lokal na pamahalaan ng mga gamit at tauhan sa mga gagamiting paaralan para sa isolation ng ilang pasyente.
(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)