Paggamit ng bitcoin at iba pang tinatawag na cryptocurrency, patok ngayon

by Radyo La Verdad | January 4, 2018 (Thursday) | 4060

Walong taon na ang nakaraan nang ilunsad ang unang bitcoin na inimbento ng isang indibidwal o grupo na nagngangalang Satoshi Nakamoto, ito ang kauna-unahang digital currency at isa lamang sa mga tinatawag na cryptocurrency o virtual currency.

Wala itong aktwal na perang papel o barya at walang bansang nagmamay-ari nito. Hindi gaya halimbawa ng peso na pinananagutan ng Republika ng Pilipinas at nasa pangangasiwa ng Bangko Sentral.

Ayon sa co-founder ng Satoshi Citadel Industries na si Miguel Cuneta, isa lamang ang bitcoin sa mahigit isanlibong digital currencies. Ang kaniyang kumpanya ang isa sa kauna-unahang nagsusulong ng paggamit ng teknolohiya ng bitcoin sa bansa.

Pero hindi naman daw mahalaga na maintindihan nang buo ng publiko kung paano gumagana ang bitcoin. Ang mas importante, nakikinabang ang publiko sa teknolohiyang hatid nito.

Isa ang tinatawag na mga digital wallets sa gumagamit ng teknolohiyang ito. Halimbawa nito ang mga applications na “bitbit” at “coins.ph”.

Nalalagyan ito ng pera na magagamit upang bumili ng load, magbayad ng sari-saring mga bills nang hindi ka na lalabas ng bahay. Dahil online na ang mga transaksyon, mas madali ito, mas mabilis at wala nang malalaking charges. Maaari na ring magpadala at tumanggap ng pera gamit lamang ang computer o cellphone.

Ayon kay Cuneta, magiging malaking tulong ito lalo na sa mga OFW o sa mga madalas na nagpapadala ng pera. Simula pa lamang aniya ito at mas marami pang pwedeng paggamitan ng teknolohiyang nalikha ng bitcoin, lalo’t nakikita nilang patungo na ang mundo sa digital transactions kung saan hindi na gagamit ng perang papel.

Pero may mga problema rin sa paggamit ng teknolohiya ng bitcoin. Unang-una, masyado pa itong bago at hindi pa talagang perpekto ang proseso. Nariyan din ang sari-saring mga scam.

Pero ano nga ba ang hiwaga ng bitcoin at kahit ang isang ginang na tatlong beses nang na-scam, hindi pa rin ito binibitawan? Paano nga ba kumikita rito at gaano kalaki ang pwedeng kitain? Abangan yan bukas sa pagpapatuloy ng aming ulat.

 

( Roderic Mendoza / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,