Paggamit ng alias ni MILF negotiator Mohagher Iqbal, hindi makakaapekto sa peace talks – Justice Sec. de Lima

by dennis | April 10, 2015 (Friday) | 1650

IMAGE_UNTV-NEWS_09092014_DOJ-SEC-LEILA-DE-LIMA

Hindi makakaapekto sa ginaganap na peace talks ang paggamit ng mga alyas ni Moro Islamic Liberation Front chief negotiator Mohagher Iqbal.

Ayon kay Justice secretary Leila De Lima, pangkaraniwang practice sa isang revolutionary organization ang paggamit ng non de guerre o war name sa pakikipagusap sa reactionary government katulad ng pamahalaan ng Pilipinas.

Pinapayagan ito ng gobyerno sa kadahilanang hindi sila makikilahok sa usaping pangkapayapaan kung hindi sila papayagang gumamit ng alias.

Kortesiya rin ito na ibinibigay ng pamahalaan para matuloy ang peace talks sa Moro Islamic Liberation Front.

Ipinagbabawal lamang ang paggamit ng alias kapag may intensyon na gumawa ng krimen o gamitin sa scam o panloloko.

Sinabi ni De Lima na maghahain siya ng formal position letter sa Kamara para ipaliwanag ang naturang isyu.

Nauna nang ipinahayag ni Iqbal sa House probe sa Mamasapano noong Miyerkules na alam ng Department of Foreign Affairs ang kanyang tunay na pangalan.(Darlene Basingan/UNTV Correspondent)

Tags: , , , ,