Nilinaw ng Malacañang na walang banta sa buhay ni Pangulong Benigno Aquino III at walang kinalaman sa isyu sa West Philippine Sea ang pagalalay ng dalawang FA50 fighter jets ng Philippine Air Force sa sinasakyang eroplano ni Pangulong Aquino habang bumibyahe ito pabalik ng bansa mula sa pagdalo nito sa ASEAN-US Summit at working visit sa Los Angeles California.
Sinalubong ng dalawang FA-50 mula sa Clark field air base ang sinasakyang eroplano ng pangulo at ng kaniyang delegasyon sa Polilio Island bago ito lumapag sa Ninoy Aquino International Airport(NAIA).
Ayon kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr., karaniwan naman aniya ito sa ibang bansa bilang pagbibigay pugay sa Pangulo na siyang commander in chief kapag dumarating ito sa bansa.
Unang pagkakataon din aniya na maaaring maisagawa ito dahil sa matagal na rin aniyang panahon na walang fighter jets ang bansa.
Bunga na rin aniya ito ng pagpupursige ng pangulo na magkaroon ng full squadron.
Nobyembre noong nakaraang taon ng dumating ang unang dalawang FA50 fighter jets mula sa South Korea.
Makukumpleto ang labindalawang fighter jets sa 2017 na bahagi ng AFP modernization program.
(Jerico Albano / UNTV Radio Reporter)
Tags: China, Pangulong Aquino, South China Sea