Kasabay ng pagdiriwang sa buong mundo, tinatayang nasa dalawang libong kabataan at mag-aaral ang dumalo sa World Population Day sa Pilipinas ngayong hapon sa Rizal stadium na may temang “Investing in Adolescent Girls.”
Tinawag ang pagdiriwang sa bansa na Babaenihan, kinuha sa mga salitang babae at bayanihan para sa kampanya upang maitaguyod ang karapatan ng mga kababaihang kabataan sa bansa.
Ayon sa United Nations Population Fund mahalaga ang paghahanda sa mga kabataan para sa kanilang kinabukasan.
Ang pakikipagtulungan ng UNFPA sa mga stakeholder ay paraan upang masuportahan ang mga kabatan at mabigyan ng sapat na kaalaman patungkol sa Comprehensive Sexuality Education at Reproductive Health.
Sa mensaheng ipinaabot ni Vice-President Leni Robredo na kinatawan ng kaniyang anak na si Aika, sinabi nitong isang solusyon upang masugpo ang poverty o kahirapan sa bansa ang edukasyon para sa mga kabataan lalo na sa mga kababaihan.
Ang pangalawang pangulo ay suportado mismo ang K-12 program na ipinatutupad sa Pilipinas.
Nagbigay rin ng kaniyang mensahe si Sen.Sherwin Gatchalian , dito ipinaliwanag niya ang importansya ng pagkakaroon ng libreng kolehiyo para sa mga kabataan upang makakuha ang mga ito ng maayos na trabaho
Ayon naman kay Usec Gerardo Bayugo ng Department of Health, ang pagbibigay ng kaalaman sa kalusugan ng kabataan ay isa rin sa tugon upang masolusyunan ang mataas na bilang ng teenage pregnancies at ang panganib na naidudulot ng premarital sex.
Nagbigay din ng kani- kaniyang pledge o panata ang mga kinatawan at guest speakers bilang kanilang ambag upang masugpo ang mataas na bilang ng teenage pregnacies at HIV cases sa bansa.
(Aiko Miguel / UNTV Correspondent)
Tags: HIV cases, mataas na bilang, teenage pregnancies, World Population Day sa Pilipinas