Itinuring ng lokal na pamahalaan ng Zamboanga City na matagumpay ang kampanya nito na maging mapayapa at tahimik ang siyudad nitong nagdaang holiday season partikular ang pagsalubong ng taong 2016.
Batay sa ulat ng City Health Office at Zamboanga City Police Office hindi nagkaroon ng anomang firecracker related incident at walang tinamaan ng stray bullet sa siyudad.
Wala ring naitalang karahasan na nangyari sa lugar sa nagdaang mahabang bakasyon.
Una nang nagbanta ang grupong Abu Sayyaf na gagawa ng pag atake sa siyudad bago o sa mismong pagpapalit ng taon.
Partikular na pinasalamatan ng pamahalaang lokal ang mga residente sa binigay nitong kooperasyon sa mga otoridad sa pamamagitan ng pagtulong sa pagbabantay.
Sa halip na magpapaputok noong pagpapalit ng taon, tumulong ang mga Zamboangueño sa pagbabantay at mas pinili na lamang ng karamihan na manatili sa bahay kaysa lumabas at mamasyal.
Pinasalamatan din ng pamahalaan lokal ang PNP, AFP, Coastguard, K9 units at iba pang katulong sa pagbabantay sa seguridad ng lungsod lalo na sa mga vital installations tulad ng terminal, mall, gasoline station at iba na posibleng target ng mga masasamang loob.
Samantala, balik normal na ang biyahe ng mga eroplano, bus at barko sa lugar matapos na dumagsa ang maraming pasahero nitong mga nagdaang araw upang samantalahin ang mahabang bakasyon.
Marami sa mga biyahero kahapon pa nagsisiuwian upang makahabol sa kanilang mga trabaho at pasok sa eskwela ngayong araw.
(Dante Amento / UNTV Correspondent)
Tags: holiday season, Pagdiriwang, rebeldeng grupo, Zamboanga city