Hindi natuloy ang pagdinig ng Malolos Regional Trial Court Branch 19 sa kasong illegal detention, physical injury at abduction na kinakaharap ni dating Major General Jovito Palparan.
May kaugnayan ito sa umano’y pagdukot sa magsasakang si Raymond Manalo at kanyang kapatid noong 2006 sa San Ildefonso, Bulacan sa hinalang miyembro sila ng komunistang New People’s Army.
Ayon sa abogado ng mga biktima na si Atty. Edre Olalia, hindi nakadalo sa pagdinig ang kinatawan ng office of the ombudsman kaya ipinagpaliban ang hearing.
Magugunitang noong 2015, iniutos ng Ombudsman ang paghahain ng kaso laban kay Palparan at walong iba pang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit o CAFGU na inakusahan rin ng kidnapping.
Si Palparan ay naaresto noong 2014 sa kasong kidnapping naman sa dalawang nawawalang estudyante ng University of the Philippines na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan.
Ayon kay Atty Olalia, mas matibay ang kaso nila laban kay Palparan dahil buhay at maaaring dumalo sa mga pagdinig ang complainant.
Ikinatuwa naman ng biktima na papasok na sa arraignment stage ang kaso matapos ang walong taon.
Samantala, sa June 21 naman itutuloy ng Korte ang arraignment kay Palparan sa Manalo Abduction Case.
Balak rin ng depensa na maghain ng mosyon upang mailipat na sa Bulacan Provincial Jail si Palparan mula sa Fort Bonifacio.
(Nestor Torres / UNTV Correspondent)
Tags: dating Maj. Gen. Jovito Palparan, Malolos RTC, mga kasong