Pagdinig sa impeachment complaint vs CJ Sereno, sisimulan na ng Kamara sa Miyerkules

by Radyo La Verdad | September 7, 2017 (Thursday) | 1675

Sabay na tatalakayin ng House Committee on Justice ang dalawang impeachment complaint laban sa punong mahistrado ng Korte Suprema. Subalit agad namang isusunod ang reklamo laban naman kay COMELEC Chairman Andress Bautista.

Dito aalamin ng kumite kung ang mga reklamo ay may sapat na mga dokumento o sufficient in form at kung may personal knowledge ang complainant sa mga alegasyong nakasaad sa impeachment complaint.

Sa kaso ni CJ Sereno, maaari nilang ipatawag ang mga Supreme Court Justices na nais umanong tumestigo laban sa punong mahistrado. Bibigyan naman ng pagkakataon si Sereno na sagutin ang mga alegasyon.

Maaaring sa pamamagitan ng sulat o personal na ipaliwanag ang kanyang panig sa kumite. Oras na makapasa na ang reklamo sa kumite, pagbobotohan ito sa plenaryo at kung makakuha ng 1/3 o 98 na boto saka ito dadalhin sa senado na tatayong impeachment court.

Subalit kung sa kalagitnaan ng mga pagdinig ay magbitiw sa pwesto sina Sereno at Bautista, hindi na ipagpapatuloy pa ang impeachment proceedings.

 

(Grace Casin / UNTV Correspondent)

Tags: , ,