Pagdinig ng The Hague Permanent Court of Arbitration sa kaso ng Pilipinas sa territorial dispute issue, tatapusin ngayong lunes

by Radyo La Verdad | December 1, 2015 (Tuesday) | 12692

EDWIN-LACIERDA
Ngayon lunes ang huling araw na itinakda ng The Hague Permanent Court of Arbitration upang dinggin ang inihaing kaso ng Pilipinas kaugnay ng West Philippine Sea Territorial dispute.

Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, ngayon lunes din ang kahuli-hulihang presentasyon ng delegasyon ng Pilipinas sa arbitration court.

Pagkatapos nito ay hihintayin na lamang ang desisyon ng 5-member ng arbitral tribunal kung kinakailangan pa ng karagdagang araw para sa ilang klaripikasyon, pagkatapos ay aabangan na lamang ang magiging ruling ng tribunal.

November 24 nang magsimula ang pagdinig ng arbitration court para sa petisyon ng Pilipinas.

Ilan sa ipinirisinta ng delegasyon sa pangunguna ng mga legal counsel ng Pilipinas ang tungkol sa reclamation activity ng China sa West Philippine Sea at kung papaano naapektuhan nito ang mga yamang dagat na malinaw na paglabag sa United Nations Convention on the Law of the Sea.

Maging ang ginawang pagharang sa mga mangingisdang Pilipino sa Scarborough Shoal at illegal fishing activities ng mga tsinong mangingisda ay ipinirisinta rin sa tribunal.

Tatlong pangunahing isyu ang nais ng Pilipinas na madesisyunan ng tribunal.

Una, ang mga obligasyon at karapatan ng mga partido sa West Philippine Sea at epekto sa UNCLOS ng claims ng China na nine dash line theory.

Pangalawa, ang usapin ng maritime entitlements sa ilang isla at mga aktibidad na ginagawa ng China sa West Philippine Sea na lumalabag sa convention tulad ng pagharang sa mga mangingisdang pilipino at construction at fishing activities ng China na nakakasama na sa marine environment.

Sinabi ni Secretary Lacierda na sa mga nakalipas na pagdinig na naipresinta ng Pilipinas ang kaso kalakip ang mga ebidensiya at nakabatay sa international law.

Umaasa ang malakanyang na papaboran ang Pilipinas sa ilalabas na ruling ng arbitration court.

Inaasahang hanggang sa ikalawang quarter ng 2016, ilalabas ng The Hague Arbitral Tribunal ang desisyon nito sa kasong isinampa ng Pilipinas laban sa China. (Nel Maribojoc/UNTV News)

Tags: , ,