Pagdinig ng Senate Blue Ribbon committee ukol sa umano’y anomalya sa AFP Modernization Program, kinansela sa Senado

by dennis | May 6, 2015 (Wednesday) | 5308
AFP Chief of Staff Gregorio Catapang Jr. habang kinakapanayam ng media kaugnay sa sinuspindeng imbesitgasyon ng Senado kaugnay sa umano'y anomalya sa AFP Modernization Program
AFP Chief of Staff Gregorio Catapang Jr. habang kinakapanayam ng media kaugnay sa sinuspindeng imbesitgasyon ng Senado kaugnay sa umano’y anomalya sa AFP Modernization Program

Sinuspinde ng Senate Blue Ribbon committee ang pagdinig ukol sa AFP Modernization Program matapos na hilingin ni Department of National Defense Secretary Voltaire Gazmin kay Blue Ribbon committee chair Sen.Teofisto Guingona III ang isang executive session.

Ikinadismaya naman ito ni Senator JV Ejercito na isa sa may akda ng mga resolusyon ukol sa pagdinig sa umanoy anomalya sa nangyaring procurement na ginawa ng Department of National Defense.

Ayon sa senador, hindi na inabot ang pagdinig ukol dito dahil sa haba ng naging presentasyon ng DND at naubusan na sila ng oras.

Oras daw na magkaroon ulit ng hearing sinabi ng senador na tututukan nila ang isyu ukol sa umanoy anomalyang ito.

“Why are they acquiring 50 year old helicopters. Parang hindi tugma eh, modernization pero we are buying antiquated equipment, na sa tingin ko yung age ng UH1 gusto ko rin malaman bakit ito ang kanilang pinili kaya ako nag-file ng resolution, ay mukhang sa tingin ko ang age ng UH1 ay mas matanda pa sa average age ng bawat armed forces personnel natin sa bawa’t sundalo,” pahayag ni Ejercito.

Sinabi pa ni Ejercito na hindi ibig sabihing kinansela na ng DND ang acquisition sa 21 UH1 ay ititigil na ng Senado ang imbestigasyon ukol dito.(Meryll Lopez/UNTV Radio)

Tags: , , , ,