Hindi pa rin bibitawan ng Kamara ang imbestigasyon sa mahigit anim na bilyong pisong halaga ng iligal na droga na umano’y nakapasok sa bansa.
Ito anila ay hangga’t hindi malinaw kung sino-sinong mga opisyal ang nagsabwatan para makalusot ito sa Bureau of Customs (BOC).
Sa susunod na linggo ay muling itatakda ng Kamara ang pagdinig hinggil dito.
Sa susunod na linggo rin nakatakdang ilabas ng kumite ang subpoena para muling imbitahan sa pagpapatuloy ng imbestigasyon si Jimmy Guban, gayundin ang mga namumuno sa BOC, Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Maging ang mga personalidad na idinadawit sa isyu na sina retired Col. Eduardo Acierto, at PDEA Deputy chief for Administration Ismael Fajardo.
Si Guban ang dating intelligence officer ng BOC na siya umanong makapagsasabi kung sino ang nasa likod ng multi-billion peso drug smuggling sa ahensya.
Ayon kay House Committee on Dangerous Drugs Chairman Ace Barbers, hindi siya sang-ayon na isailalim sa Witness Protection Program si Guban.
Nakatakdang makipag-usap ang kongresista kay Justice Sec. Menardo Guevarra para linawin ang isyu.
Hangga’t hindi rin aniya sinasagot ni Guban ang mga tanong ng mga kongresista hinggil sa umano’y shabu shipment ay igigiit nila na makulong ito sa Kamara sa bisa ng contempt order.
( Grace Casin / UNTV Correspondent )