Gaganapin na sa Lunes, Mayo 11 ang pagdinig sa contempt charges na isinampa ng kampo ni Makati City Mayor Junjun Binay laban kina Justice Secretary Leila De Lima at Makati City Vice Mayor Romulo ‘Kid’ Peña.
Batay sa resolution na inilabas ng 6th Division ng Court of Appeals, sinabi nito na gaganapin ang naturang pagdinig sa ganap na alas 2:00 ng hapon kung saan uupo sa naturang dibisyon sina CA Associate Justices Jose Reyes, Francisco Acosta at Eduardo Peralta.
Matatandaang naghain ng Contempt Charges si Binay sa 6th Division ng appelate court laban kay Peña dahil sa hindi nito pagsunod sa inilabas temporary restraining order (TRO) na pumipigil sa suspension order ng Ombudsman kay Binay.
Ngunit katwiran naman noon ni Peña na sumunod lang siya sa utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) upang umupong acting mayor ng Makati.
Samantala, magugunitang sinabi noon ni Sec. De Lima na “moot and academic” ang naturang TRO ng Court of Appeals dahil nakapanumpa na bilang Acting Mayor si Peña bago lumabas ang TRO ng CA.(Jerolf Acaba/UNTV Radio)