Pagdedesisyon kaugnay ng 2 pisong dagdag pamasahe sa mga jeep, ipinagpaliban ng LTFRB

by Radyo La Verdad | October 12, 2017 (Thursday) | 2388

Hindi kumpleto ang mga dokumento na iprinisinta ng mga transport group na naghain ng petisyon sa LTFRB upang hilingin ang dalawang pisong dagdag pamasahe sa mga jeep.

Dahil dito, ipinagpaliban muna ng mga board na desisyunan ang nasabing petisyon. Nais rin ng board na ipatawag muna ang ilang commuter group upang maikonsidera rin ang kanilang mga hinaing ukol sa isyu.

Pero hirit ng transport group, sana maipatupad na sa lalong madaling panahon ang fare hike, taliwas sa panawagan ng ilan na dapat maipatupad na muna ang modernisasyon sa mga jeep bago magpatupad ng taas singil sa pamasahe.

Reklamo ng transport groups sa ngayon ay nasa 200 piso na lamang ang naiuuwi ng mga driver sa maghapong pamamasada. Itinakda ng LTFRB ang susunod na pagdinig sa jeepney fare hike petition sa October 24.

Samantala, pinabulaanan naman ng Pasang Masda, FEJODAP, LTOP, ALTODAP AT ACTO ang pahayag ni George San Mateo ng grupong Piston na sasama sila sa isasagawang malawakang tigil pasada sa October 16 at 17.

Paliwanag ng mga ito, hindi sila makiisa sa nasabing transport strike, dahil suportado nila ang jeepney modernization program ng pamahalaan.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,