METRO MANILA – Magiging hamon para sa Department of Agriculture (DA) ang pagbabantay sa mga aangkating sibuyas.
Sa huling bahagi ng taon at hanggang sa pagpasok ng 2023 ay may mga nasasabat paring kargamento na naglalaman ng mga agri products kasama na ang sibuyas.
Nasa 21,060 Metric Tons (MT) ang inaprubahang angkatin na mas mababa sa 22K MT na unang inirekomenda ng kagawaran.
Mapupunta ang 50% sa Luzon at tig- 25% sa Visayas at sa Mindanao.
Kasama na dito ang 3,960 metric tons na dilaw na sibuyas para sa Luzon.
Binigyan ng DA ng hanggang January 27 ang mga importer para maparating ito sa bansa.
Ang importasyon ay ang nakikitang solusyon ng DA para mapababa ang presyo ng sibuyas na umabot sa P700 kada kilo bago matapos ang 2022.
Ayon sa grupo ng mga magsisibuyas, ‘di na sana itinuloy ang importasyon dahil mas marami na ang aanihin sa mga susunod na linggo.
Inaasahan anilang bababa narin ang preyso nito. Posible anilang mauwi na naman sa lugi kapag masasabay ang importasyon sa kasagsagan ng anihan.
Samantala inutos na ni Pangulong Bongbong Marcos Jr ang paginspeksyon sa smuggled na sibuyas bago ilabas sa merkado.
Ayon sa pangulo kailangang may third-party inspectors na magsasagawa ng phytosanitary inspections upang matiyak na ligtas itong kainin ng publiko.
(Rey Pelayo | UNTV News)