Pagdating ng Balangiga bells sa Eastern Samar, pinaghahandaan na ng lokal na pamahalaan

by Radyo La Verdad | December 5, 2018 (Wednesday) | 4540

Ika-11 ng Disyembre inaasahan ang pagbabalik sa Pilipinas ng tatlong Balangiga bells.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, ika-15 ng Disyembre naman inaasahang makakarating ito sa bayan ng Balangiga sa Eastern Samar, 117 taon matapos itong kunin ng sundalong Amerikano bilang war bootie pagkatapos ng Balangiga Encounter Day.

Ayon sa alkalde ng Balangiga na si Mayor Randy Graza, pinaghahandaan na nila ang pagbabalik ng makasaysayang kampana sa kanilang lugar.

Bagaman wala pa aniyang pinal na programa, posibleng magsagawa ng reenactment ng Balangiga Encounter Day. Ang simabahan aniya ang naka-assign sa gagawing programa at ang lokal na pamahalaan naman sa seguridad.

Samantala, ayon naman kay Balangiga Municipal Tourism Officer Fe Campanero, kapag naibalik na ang tatlong bells sa kanilang lugar, inaasahang dadagsain ito ng mga turista.

Bukod sa historical value ng mga ito sa kanilang bayan, makakatulong din ito para sa unti-unting pag-unlad ng kanilang lugar na isang 4th class municipality.

Matatandaang sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2017, una nang nanawagan ang punong ehekutibo sa Amerika na isoli sa Pilipinas ang Balangiga bells bilang ito ay bahagi ng ating national heritage.

Noong Nobyembre naman, kasabay ng Veterans Remembrance Ceremony sa Warren Air Force Base sa Estados Unidos, pormal na ring i-tinurn over ni United States Defense Secretary James Mattis ang Balangiga bells sa Pilipinas

Ayon kay Sec. Mattis, ito ay bahagi ng pagpapatibay ng partnership sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos. Mula sa Warren Airforce Base ay dinala ang dalawang bell sa isang pasilidad sa Philadelphia at doon inihanda para naman dalahin sa South Korea, kung nasaan naman ang isa pang kampana.

 

( Jenelyn Gaquit-Valles / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,