Pagdarausan ng 2019 SEA Games, 50% tapos – BCDA

by Jeck Deocampo | February 4, 2019 (Monday) | 7297

TARLAC, Philippines – Ipinahayag ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na nasa 50 porsyento na ang natatapos sa ginagawang New Clark City (NCC) sa Capas, Tarlac na pagdarausan ng 2019 Southeast Asian Games.

Positibo ang presidente ng AlloyMTD Philippines na si Patrick Nicholas David, matatapos ang NCC sa Agosto bago ang pagbubukas ng 2019 SEA Games sa Nobyembre ngayong taon.

“So, we finished first the road about 95 percent of the road network because we are preparing for the rainy season or whatever weather that comes our ways,” aniya.

Kasama sa itinatayo sa NCC ang athletic stadium, aquatic center, athletes’ village at mga opisina ng gobyerno.

Ang athletics stadium ay may kapasidad ng hanggang 20,000 katao at may 9-lane na 400-meter track and field oval. Samantala, ang aquatics center naman ay may 10-lane Olympic-size swimming pool, diving pool, warm-up training school at may 2,000 seating capacity.

May 600 condominium-type na bahay naman ang athletes’ village na kayang magsaludar ng hanggang 1,000 katao.

Magkakaroon naman ng satellite office para sa Disaster Risk Management at tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasama rin sa gagawin ang river park na may lawak na 4.5 ektarya na may walkways at bicycle lanes. Lalagyan din ng access road mula sa New Clark City papuntang Subic–Clark–Tarlac Expressway (SCTEx).

Aabot sa 4,000 ang mga manggagawa na nagtatrabaho sa pagtatayo ng New Clark City sa Capas, Tarlac sa ilalim ng Build Build Build program ng pamahalaan.

Tags: , , , ,