Patuloy ang pagdami ng mga pasahero sa EDSA busway dahil na rin sa libreng sakay na ibinibigay nito. Kaya naman tinitingnan ng LTFRB kung sapat pa ang 550 bus units na nakatalaga sa naturang ruta.
Ayon kay LTFRB techinical division head Joel Bolano, kailangan ding mag-deploy ang bus operators sa EDSA busway ng tamang bilang ng mga bus.
“Kasi kung mapapansin mo, pagmababa yung deployment, saka po may queuing. Pagka naman nade-deploy nila ng tama, medyo okay yung ridership natin na nakakasakay doon sa mga buses. So, tingin ko diyan, babalansehin din ulit natin kung tama ba yung 550 or kulang based po doon sa pag-aaral na gagawin na natin,” ani Joel Bolano, Head of Technical Division, LTFRB Central Office.
Ayon pa sa LTFRB, nagbigay na ng commitment ang mga bus operator kaugnay ng supply ng bus matapos mag-isyu ng show cause order ang ahensya sa dalawang bus consortiums sa EDSA busway.
kamakailan, sinabi ng mga bus operator na naiipit sila sa pagbabayad sa kanilang mga tsuper at supplier ng krudo lalo pa’t patuloy ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Dahilan upang maantala ang ilan sa pagbabayad ng kanilang mga serbisyo sa ilalim ng service contracting program. Ngunit ayon sa LTRB, naibigay na nito ang pondo sa landbank na nangako namang pabibilisin ang proseso sa pagke-credit ng payouts sa bank accounts ng mga operator.
Asher Cadapan, Jr | UNTV News
Tags: Edsa Busway, LTFRB