Pagdami ng supply ng bakuna, makatutulong sa pagbawi ng ekonomiya

by Erika Endraca | May 26, 2021 (Wednesday) | 2428

METRO MANILA – Malaki ang maitutulong ng mabilis na vaccine rollout ng pamahalaan para makabangon ang ekonomiya ng Pilipinas.

Ayon sa isang ekonomista, kung agad na dadami ang supply ng bakuna at marami na ang mababakunahang pilipino, susi na ito para magbukas ang maraming negosyo sa bansa.

“Naniniwala ako by 2nd half ng taon na ito lalong gaganda ng ganda ang ekonomiya natin, no.1 yung classification ng lockdown natin nagiging mas maluwag ng maluwag kasi yung mga bagong incidence ng covid cases, kumokonti ng kumokonti kasi sa disiplina natin tsaka ng gobyerno, pero ang pinakamalaking rason na gaganda ang ekonomiya natin dahil marami ang darating na vaccines” ani Economist Wilson Lee Flores.

Para naman sa malakanyang maaga pa para sabihing hindi makababawi ang ekonomiya ng bansa.

“Sana hindi naman po dahil mayo pa naman po pwede pang magrecover, pero inaamin po talaga natin nakakalungkot na dahil sa pagpasok ng mga bagong variants we had to resort to MECQ na naging dahilan para masara ang 60% ng ating ekonomiya dito sa Metro Manila plus” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Reaksyon ito ng Malakanyang sa ulat ng Think Tank na Moody’s analytics, kung saan 5.3% lamang ang maaaring iangat ng Gross Domestic Product (GDP) ng Pilipinas ngayong 2021.

Malayo sa target ng pamahalaan na pag-angat ng GDP ng Pilipinas sa 6% -7%.

Itinuturo ng Moodys ang mabagal na pagpigil ng pamahalaan sa pagkalat ng COVID 19 virus gayundin ang mabagal na pagbabakuna.

Sa kabila ng ulat na ito, naniniwala si Presidential Spokesman Harry Roque na kakayanin pa ring maabot ng pamahalaan ang target nito na paglago ng GDP ng Pilipinas ngayong taon.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: ,