Pagdagsa ng mga turista ngayong summer season, pinaghahandaan na ng DOTr

by Radyo La Verdad | February 21, 2022 (Monday) | 462

METRO MANILA – Inaasahan na ng One Stop Shop at Office for Transportation Security ang pagdagsa ng mga turistang manggagaling sa iba’t ibang bansa ngayon papalapit na ang buwan ng Marso.

Kaya naman pinaiigting pa nito ang pagbabantay sa mga paliparapan para sa mga dayuhang turista na magbabaksyon sa Pilipinas.

Ayon kay One Stop Shop Head at Administrator ng Office for Transportation Security Raul Del Rosario, marami ring mga airline companies ang nagdagdag ng flights mula nang luwagan ng pamahalaan ang travel restrictions.

Kaya naman dinagdagan na rin ang mga booth at tauhan mula sa Bureau of Quarantine at Philippine Coastguard sa Manila International Airport.

Paalala naman nito sa mga byahero na magparehistro muna sa One Health Pass para sa mabilis na proseso ng pagpasok sa bansa.

February 10 nang sinimulan ng pamahalaan ang pagpapapasok ng mga foreign tourist mula sa mga visa-free countries.

Mula noon, umabot na sa halos 11,000 na mga dayuhang turista ang nagtungo sa Pilipinas.

Mahigit 4,000 dito ay mga former Filipino tourist, habang halos 6,000 naman ay mga foreign tourist.

Ayon kay One Stop Shop Usec. Raul Del Rosario, halos 91% sa mga dumating na dayuhang turista ay fully vaccinated na kontra COVID-19.

(Janice Ingente | UNTV News)