Pagbuwag sa kontraktuwalisasyon at mababang pasahod, iprinotesta ng mga mangagawa

by Erika Endraca | May 2, 2019 (Thursday) | 8152

Manila, Philippines – Nagsanib pwersa muli ang iba’t-ibang grupo ng mga mangagawa kahapon May 1,  upang magdaos ng kilos protesta kaalinsabay ng paggunita sa Labor day.

Patuloy pa rin nilang ipinalalaban na wakasan na ng gobyerno ang sistema ng kontraktuwalisasyon at itaas ang sahod ng mga mangagawang Pilipino.

Unang nagtipon-tipon ang mga ito sa welcome Rotunda sa Quezon City.
Nagmartsa sa kahabaan ng España patungong Mendiola kung saan sinalubong ang iba pang mga raliyista.

Kasama rin sa mga nakiisa sa protesta ang ilang mga kumakandidato sa pagkasenador at partylist group.

Pangunahin pa rin nilang tinututulan ang sistema ng kontraktualisasyon sa ilang mga pribadong kumpanya na anila’y isang mababang uri ng pagtrato sa nga mangagawa.

Kinokontra rin ng nga ito ang mababang pasahod. Sigaw ng mga mangagawa dapat na itaas na P 750.00  ang kanilang minimum wage kada araw.

Reklamo nila, kulang na kulang ang P 537.00  na kasalukuyang minimum wage ng mga mangagawa sa Metro Manila. Hindi anila ito sapat upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan sa araw-araw at magkaroon ng disenteng pamumuhay.

“Kaya sinisingil namin si pangulong duterte na dapat gawan nya ng paraan,tatlong taon na sya sa poder so kung seryoso sya,seryosohin nya yung kanyang pinakamalaking promise na ibinoto sya ng mga mangagawa,tapos yung national minimum wage  sa  kasalukuyang discriminatory sa mga taga probinsya yung minimum wage” ani Federation of Free Workers National President Sonny Matula

Sinunog ng mga militante grupo ang isang effigy ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang simbolo ng anila’y bigong mga pangako ng administrasyon na tapusin na ang kontraktualisasyon.

Ito anila ang dahilan kaya’t walang katiyakan na magkaroon ng maayos at disenteng trabaho ang isang mangagawang pilipino.

Nanawagan ang grupo ng mga mangagawa sa mga mambabatas na tuluyan nang isabatas ang Senate bill number 1826 o ang Security of Tenure and End of Endo Act of 2018 na pinaniniwalaang tatapos sa sistema ng kontraktuwalisasyon.

Sa kabila ng mga protesta sinabi ng Philippine National Police (PNP) naging mapayapa sa kabuoan ang paggunita sa labor day.

(Joan Nano | Untv News)

Tags: , ,