Pagbuo ng loan commission na magpapautang sa mahihirap na rehiyon sa bansa, ipinanukala ng Consultative Committee

by Radyo La Verdad | April 26, 2018 (Thursday) | 2624

Isa sa natalakay ng Consultative Committee (ConCom) ang pagbuo ng loan commission sa ilalim ng federal government. Ang nasabing komisyon ang mamamahala sa equalization fund.

Magsisilbing takbuhan ang loan commission ng mga mahihirap na rehiyon upang may mahiram na pondo na magagamit sa pamamahala sa kanilang nasasakupan. Sa ganitong paraan anila ay walang maiiwang mahirap na rehiyon.

Ayon sa ConCom, para lamang itong world bank na inuutangan ng ibang bansa gaya ng Pilipinas.

Ang pondo ng komisyon ay manggagaling sa forced contribution o buwis mula sa mga federal states sa Pilipinas, sa mismong national government at sa sinomang bansa o international body na nais tumulong.

Samantala, kasama rin sa tinalakay ang pagbuo ng mga federated regions.

Dito pagsasama-samahin ang mga lugar sa isang rehiyon base sa sukat ng teritoryo, populasyon, kita, lokasyon, kultura at iba.

Batay sa inisyal na pag-uusap ng mga miyembro ng Consultative Committee, hahatiin sa labingpitong rehiyon ang Pilipinas sa ilalim ng federal government.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,