Pagbuo ng ahensya na tututok sa disaster preparedness, tinalakay ng NDRRMC

by Radyo La Verdad | July 20, 2016 (Wednesday) | 4126

NDRRMC
Isang full council meeting ang isinagawa kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRMMC, kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan na siyang nangunguna sa pagresponde sa tuwing may kalamidad sa bansa.

Tinalakay sa pagpupulong ang iba’t-ibang mga hakbang na kailangang pang maidagdag sa NDRRMC upang lalo pang mapaigting ang kapasidad nito sa Disaster Risk Reduction and Management System.

Kabilang sa mga pinag-aaralan ngayon ng Office of the Civil Defense ang pagkakaroon ng isang bukod na ahensya na tututok sa mas organisadong proseso ng pagtugon at paghahanda sa panahon ng sakuna.

Kasama rin sa pinag-iisipan ay ang pagbuo ng isang komite na mangangasiwa naman sa mga international donation.

Layon ng panukala na maisaayos ang structure at level of authority sa mga ahensyang katuwang ng NDRRMC sa disaster response management.

Naniniwala rin ang konseho, na isang paraan ito upang maging malinaw ang tungkuling gagampanan ng bawat opsiyal at upang maiwasan ang sisihan.

Tiniyak ng NDRRMC ang pagsasaayos sa kanilang hanay sa ilalim ng Duterte Administration upang matiyak ang kanilang kahandaan sa panahon ng mga kalamidad.

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

Tags: , ,