Pagbubukas ng mga bagong power plant, malaking tulong upang maging brownout free na ang Mindanao

by Radyo La Verdad | May 17, 2016 (Tuesday) | 1453

SEC.-ZENAIDA-MONSADA
Dalawa hanggang apat na oras na rotational brownout ang ipinatutupad sa Mindanao upang sumapat ang supply para sa lahat.

Sa matagal na panahon ay laging kulang ang supply at madalas na naka red alert sa mindanao ngunit ayon sa Dept. of Energy, magiging brownout free na ang Mindanao bago matapos ang taong 2016.

Sa mga susunod na buwan ay maraming mga bagong planta ang magbubukas na makatutulong upang mapalaki ang supply ng kuryente sa rehiyon.

Sa ngayon ay nasa 1375 megawatts ang power supply ng mindanao at nasa 1300 megawatts naman ang peak demand, manipis ang reserve na nasa 75 megawatts lamang.

Oras na maging opertional ang mga bagong planta, inaasahang magkakaroon ng over supply na kuryente ang Mindanao.

Subalit ayon sa DOE, kahit maraming supply, kung hindi naman ma se-secure ang mga transmission lines ay hindi pa rin makararating sa mga tao ang kuryente.

Nitong nakaraang mga Linggo lamang, maraming mga transmission tower ng National Gird Corporation ang binomba ng mga hindi kilalang grupo.

Ito ang dahilan kung bakit nasapanganib ang supply ng kuryente sa ilang syudad sa Mindanao noong panahon ng eleksyon.

Ayon kay DOE Sec. Zenaida Monsada, kailangang gumawa ng mga batas na magiingat sa mga transmission line at tower ng kuryente.

Bukod dito, kailangang maitayo ang Wholesale Electricity Spot Market o WESM sa Mindanao upang maibenta ang mga kuryente sa bawat sambahayan.

Sa ngayon ay libre pang nakukuha ng ilang maliliit na barangay sa Mindanao ang kuryente mula sa mga hyrdoelectric power plant dahil hindi raw marapat ipagbili ang kuryente na nakukuha sa kalikasan.

(Mon Jocson/UNTV NEWS)

Tags: ,