Hindi na pahihintulitan ng DENR na magkaroon ng mga bagong minahan na wawasak sa mga bundok o lugar na pagkukuhanan ng mga mineral.
Open pit mining ang tawag dito kung saan gumagawa ng malaking hukay sa mga bundok para makuha ang mina gaya ng ginto, tanso at pilak.
Sa 14 na minahang gumagamit ng ganitong pamamaraan ng pagmimina ay 10 na ang inabandona o sinuspinde.
Isa na dito ang Dizon Copper Mines sa Zambales na 20 taon na ang nakaraan mula nang ihinto ang pagmimina dahil sa pagbaba ng halaga ng tanso.
Sa tindi ng asido sa naipong tubig sa minahan ay kaya na nitong makatunaw ng bakal.
May banta ito ng panganib sa komunidad sa paanan ng bundok.
Ayon kay Lopez, kakanselahin niya ang mga Mining Production Sharing Agreement o MPSA ng mga maguumpisa palang magsagawa ng open pit mining.
Nilinaw naman ni Lopez na ang mga dati nang minahan na gumagamit ng open pit mining ay hindi kasama sa ban.
Ayon naman sa Chamber of Mines of the Philippines, tanggap naman sa iba’t-ibang bansa ang open pit mining.
Maaari din anilang mairehabilitate ito pagkatapos mamina ang isang lugar para magamit sa agrikultura, pangisda at maging sa turismo.
Sa May 2 ay muling sasalang sa Commission on Appointment ang kalihim para sa kanyang kumpirmasyon.
(Rey Pelayo)
Tags: DENR, open pit mining