Pagbubukas ng mga bagong minahan sa bansa, magdaragdag ng 42,000 trabaho – MGB

by Radyo La Verdad | April 19, 2021 (Monday) | 11006

METRO MANILA – Inaasahang malilikha ang nasa 42,000 na trabaho sa muling pagbubukas ng mga bagong minahan sa bansa.

Isa ito sa nakikitang solusyon kaugnay ng balik probinsya, bagong pagasa program ng pamahalaan.

Ayon sa Mines and Geoscience’s Bureau (MGB) ng DENR, may 36 projects sa priority phase 1 na inaasahang maguumpisa na ang operasyon sa lalong madaling panahon .

May 65 projects naman na nasa priority phase 2 na kinukumpleto pa ang mga kailangang dokumento.

Tinatayang nasa P20-B naman kada taon ang posibleng dagdag na makuhang buwis sa pagbubukas ng mga bagong minahan, P58-B halaga ng export product at P5-B royalties.

Ayon sa MGB, nasa 1 – 5 taon bago makabuwelo sa operasyon ang isang minahan.

“Naghahabol tayo kailangan natin ng revenue dahil lubog na tayo sa utang kailangang madevelop na yung mining projects” ani Mines and Geosciences Bureau Dir. Wilfredo Moncano.

Ayon naman sa DENR, titiyakin nilang masusunod ang tamang paraan ng pagmimina.

“So hindi na natin iiwanan na talagang sirang-sira yung kabundukan o yung lugar bago nila rehabilitate” ani DENR Usec. Jonas Leones.

Kamakailan lang ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order 130 na nag-aalis ng ban sa pagbubukas ng mga bagong minahan.

(Rey Pelayo | UNTV News)

Tags: , , ,