Pagbiyahe ng modernong mga jeep sa Metro Manila, magsisimula na sa Hunyo

by Radyo La Verdad | May 8, 2018 (Tuesday) | 4724

Aarangkada na sa susunod na buwan ang makabagong pampasaherong jeep sa ilang ruta sa Metro Manila.

Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board Chairman Attorney Martin Delgra, dalawampung unit ng modernong mga jeep ang inisyal na papasada sa Hunyo.

Pagkatapos nito, plano naman ng Department of Transportation (DOTr) na isunod ang mga ruta mula sa Fort Bonfacio sa Taguig patungong Guadalupe, Makati ang biyahe ng Pasay-Pateros, pati na rin ang ruta ng Cogeo hanggang Cubao sa  Quezon City.

Dagdag pa ni Delgra, sa ngayon ay ipinoproseso na ng Development Bank at Land Bank of the Philippines ang financing program para sa  mga jeepney operator na nais kumuha ng modernong jeep.

Hindi naman makapagpatakbo ng mga modernong jeep sa ilang lugar, dahil hindi pa tapos ng lokal na pamahalaan ang kanilang route rationalization plan na tutukoy kung saang mga lugar bibyahe ang mga jeep.

Aminado naman si Delgra na maraming operator pa rin ang nangangamba sa magiging epekto ng PUV modernization sa kanilang kabuhayan. Aniya, patuloy pa ring iginiit ng ilang transport group na payagan silang i-rehabilitate na lamang ang kanilang mga jeep.

Ngunit ayon kay Delgra, pinapayagan lamang ang rehabilitasyon sa loob ng tatlong taong transition period. Pagkatapos nito ay kinakailangag pa ring makasunod ang mga jeepney operator sa spesipikasyon ng itinakatakda ng public utility vehicle (PUV) modernization program.

Target ng DOTr na maisakatuparan ang kabuoan ng PUV modernization program sa mga jeep pagsapit ng taong 2020.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,