Pagbiyahe ng mga Locally Stranded Individual pabalik ng probinsya, pansamantala munang itinigil ng pamahalaan

by Erika Endraca | June 26, 2020 (Friday) | 3589

METRO MANILA – Epektibo kahapon (June 25) ang ginawang suspensyon sa pagbiyahe ng mga na-stranded sa National Capital Region (NCR)  na uuwi sana sa kanilang mga probinsya.

Ayon sa Malacañang, ito ay upang bigyang-daan ang pagsasailalim muna sa kanila sa Reverse Transcription- Polymerase Chain Reaction testing para sa COVID-19.

“Sa mga Locally Stranded Individuals po, para magkakaroon po muna tayo ng moratorium hanggang kayo po ay nabigyan na ng PCR test bago kayo umuwi ng inyong mga probinsya”. ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Dagdag naman ni National Task Force kontra COVID-19 Deputy Chief Implementer Vince Dizon, bagong protocol na ito bago makabiyahe ang mga LSI pauwi sa kanilang mga hometown.

“Ito po ay para protektahan sila at ma-ensure na sila ay COVID-19 free, and at the same time, kailangan ding protektahan natin ang mga communities at mga probinsya at LGU ma patutunguhan nila. So kailangan pong gawin iyan sa mga susunod na araw. ” ani NTF vs Covid-19 Deputy Chief Implementer / BCDA President Vince Dizon.

Batay sa ulat ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, nasa 40,000 ang LSI sa Metro Manila .

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,