Pagbisita ng mga Pinoy sa Jeju Island at Yangyang sa South Korea, pinahihintulutan na kahit walang visa

by Radyo La Verdad | June 9, 2022 (Thursday) | 14796

Naglabas ng anunsyo ang Korean Embassy sa Pilipinas sa kanilang Facebook page nitong May 31 na maaari nang makapasok kahit walang visa ang mga Pilipino sa Jeju Island at Yangyang sa South Korea simula nitong June 1.

Pwedeng manatili ang mga Pilipinong turista na bibisita sa Jeju Island sa loob ng 30 araw sa pamamagitan lamang ng direct flights at hindi pinapayagan na magtungo sa ibang rehiyon sa labas ng nasabing isla.

Dagdag pa nito, sa mga Pilipinong babiyahe sa Yangyang, maaari silang magtungo sa pamamagitan ng group tour program na kung saan may 8 designated travel agencies na pwedeng mag-avail sa nasabing programa at pwedeng manatili sa nasabing lugar hanggang 15 araw.

Bagaman maaaring bumisita sa mga lugar sa Gangwon Province at Seoul Metropolitan Area, dapat namang sumakay pauwi sa Pilipinas via Yangyang International airport.

Kinailangan rin na mag sumite ng negative RT-PCR test result sa loob ng 48 na oras o negative Rapid Antigen test result sa loob ng 24 na oras bago ang nakatakdang pag-alis sa bansa.

Exempted naman ang mga fully vaccinated na mga pasahero sa quarantine protocols basta’t kinailangang magpakita ng Q-CODE na naglalaman ng vaccination record bago umalis.

Umaasa ang embahada na maitataguyod at mapapaunlad ang “People-to-People Exchange” sa pagitan ng 2 bansa sa pamamagitan ng turismo dahil sa naturang programa.

(Daniel Dequiña | La Verdad Correspondent)

Tags: , ,