Pagbisita ng Imperial couple sa bansa, nagpatatag sa relasyon ng Japan at Pilipinas

by Radyo La Verdad | January 29, 2016 (Friday) | 1510

JERICO_IMPERIAL-COUPLE
Lalong nagpatibay sa ugnayan ng mga Pilipino at Hapon ang 5-day state visit ni Japanese Emperor Ahikito at Empress Michiko sa bansa kasabay ng paggunita sa anim na dekada ng magandang relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Japan.

Ayon kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr., ang naturang state visit ay nagpatatag sa relasyon ng dalawang bansa.

Inilarawan ng kalihim ang Imperial couple bilang modelo ng kababaang loob, pagiging palakaibigan at maunawain.

Sa ikalawang pagkakataon, bumalik ang emperador sa Pilipinas mula noong 1962 nang unang dumalaw ito sa panahon ni dating Pangulong Diosdado Macapagal.

Samantala, bukod sa pakikipagpulong kay Pangulong Aquino sa Malacañang noong Miyerkules, binisita nito ang Language Training Center ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA sa Taguig kahapon.

Naging interasado ang emperador sa pagpunta sa Language Skills Institute matapos na may makausap itong mga Pilipino sa isang ospital sa Japan na mahusay magsalita ng Nihongo.

Nakisalamuha ito sa mga estudyante at nakipagusap.

Ang Nihongo language training sa TESDA ay nabuo sa pamamagitan ng Japan Philippines Economic Partnership Agreement o JPEPA na nagsasanay sa mga Filipino nurse at caregivers na gustong magtrabaho sa Japan.

Samantala, bukas, araw ng sabado ay nakatakda ng bumiyahe ang emperador at asawa nito pabalik sa Japan.

(Jerico Albano / UNTV Radio Reporter)

Tags: , ,