Pagbili sa dengue kits para sa mga Dengvaxia vaccinees, ipauubaya na ng DOH sa DBM

by Radyo La Verdad | March 6, 2018 (Tuesday) | 3424

Nakahanda nang ipadala ng Department of Health (DOH) sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang sulat na humihiling na magamit ang P 1.161-billion refund ng Sanofi Pasteur sa mga hindi nagamit na Dengvaxia upang maipambili ng dengue kits.

Nguni’t nilinaw ni Health Sec. Francisco Duque na ipinauubaya na nila sa Bids and Awards Committee ng Department of Budget and Management (DBM) ang procurement ng dengue kits upang maging transparent at maiwasan ang anomang isyu ng korupsyon.

Samantala, kahapon ay ininpeksyon ng DOH ang mga ospital sa Quezon City upang tiyakin na hindi naniningigil ang mga ito sa mga Dengvaxia vaccinees

Kabilang sa kanilang pinuntahan ang Quirino Memorial Medical Center, East Ave. Medical Center at ang Philippine Children’s Medical Center.

Tiningan din nito ang kalagayan ng vacinees at kung may sapat din na pasilidad ang ospital sa pag-asiste sa mga pasyente.

Payo ng kalihim sa mga ospital, dapat ay may malaking signage ang mga ito upang maipakita ang proseso ng pagbibigay ng medical assistance sa mga vaccinee.

Dapat din aniyang may nakapaskil na “no balance billing” sa mga ospital upang masiguro sa mga magulang na wala silang babayarang anoman.

May kautusan din ang DOH na dapat suriing maayos ang mga Dengvaxia vaccinee upang makita kung may kaugnayan sa pagkakabakuna ang nararamdaman nilang sakit o kung may pre-existing condition na ang mga ito.

Nagbabala si Sec. Duque sa mga ospital at doktor na maaari silang masampahan ng reklamong negligence, civil at administrative case kapag mapatutunayang sila ay naniningil sa mga vaccinees

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , , ,