Pagbili ng luxury vehicle ni CJ Sereno, walang iregularidad – SC Associate Justice del Castillo

by Radyo La Verdad | January 30, 2018 (Tuesday) | 1652

Ipinagtanggol nina Supreme Court Associate Justices Mariano del Castillo at Andres Reyes Jr. si Chief Justice Ma. Lourdes Sereno sa ilang mga alegasyong nakasaad sa impeachment complaint. Partikular na sa isyu ng umano’y pagbili nito ng mamamahaling sasakyan at ang umano’y pakikialam nito sa hindi pagkakaintindihan ng Kamara at Court of Appeals sa kaso ng Ilocos 6.

Ayon kay Supreme Court Associate Justice Mariano del Castillo, dumaan sa tamang proseso ang pagbili ng security service vehicle ni CJ Sereno na nagkakahalaga ng 5.1-million pesos. Aprubado din umano ito ng en banc.

Pinabulaanan din ni Associate Justice Andres Reyes na nanghimasok ang chief justice sa hindi pagkakaunawaan ng Kamara at Court of Appeals sa kaso ng Ilocos 6.

Samantala, kinumpirma ni Justice Reyes na pinigilan sila noon ni CJ Sereno na mag-courtesy call kay Pangulong Duterte at tila binantaan pa sila nito.

Sumulat umano siya kay Pangulong Duterte noong August 2016 para makipagkita at talakayin ang mga isyu sa judiciary. Ngunit nabasa ni CJ Sereno ang sulat at ipinatawag siya nito at pinagalitan.

Tinanggi naman ni CJ Sereno ang alegasyong ito sa kanyang veryfied answer na isinumite sa impeachment committee.

Pinaalalahanan lang umano niya ito sa code of conduct sa mga justice at judge na iwasan ang pagkakaroon ng koneksyon sa sinoman upang maiwasan ang posibilidad na maimpluwensyan ng sinoman ang kanilang mga gagawing desisyon.

 

( Grace Casin / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,