Pagbibitiw ni VP Robredo bilang miyembro ng gabinete, tinanggap ng pangulo

by Radyo La Verdad | December 6, 2016 (Tuesday) | 1065

pres-duterte
Pormal nang inihain kahapon ni Vice President Leni Robredo ang kanyang resignation sa gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, bagamat mabigat sa loob ay tinanggap na ito ng pangulo.

Nagbitiw si Vice President Leni Robredo bilang chairman ng Housing and Urban Development Coordinating Council o HUDCC dahil hindi na umano nito magagampanan ang kanyang tungkulin.

Ito ay matapos na makatanggap ng text message mula kay Cabinet Secretary Jun Evasco na nagsasabing pinagbabawalan na siyang dumalo ng pangulo sa lahat ng mga cabinet meeting.

Paliwanag ng Malakanyang, ito ay dahil sa irreconcilable differences ni Pres. Durterte at ni VP Robredo.

Matatandaang sa simula pa lamang ay marami nang mga pagkakaiba sa mga polisiya at prinsipyo si Pangulong Duterte at Vice President Robredo.

Katulad ng magkaibang pananaw ng mga ito sa Marcos burial at anti-drug war ng pamahalaan.

Naniniwala naman ang ilang senador na tama lamang ang ginawang pagbibitiw ni Robredo sa gabinete.

Samantala, itinalaga naman ng pangulo si Cabinet Secretary Jun Evasco bilang bagong chairperson ng Housing and Urban Development Coordinating Council kapalit ni VP Robredo.

Bukod pa itong tungkulin sa kasalukuyang hinahawakan niyang mga ahensya na pangunahing nagpapatupad sa anti-poverty programs ng pamahalaan.

Tags: ,