Pagbibitiw ni BOC Commissioner Alberto Lina, hiniling ng Sugar Alliance of the Phil

by Radyo La Verdad | August 27, 2015 (Thursday) | 2804

SUGAR
Limampu’t pitong container ng smuggled sugar na nagkakahalaga ng P85 million ang muling nasabat ng Intelligence Group ng Bureau of Customs sa Manila International Container Port.

Nakapangalan sa Global Classe Marketing ang shipment at isang Rolando Crave ang nagsilbing customs broker ng kargamento.

Misdeclared ang shipment dahil pinalabas na kitchen utensils at school and office supplies ang laman ng mga container.

Sa nakalipas na 4 na buwan 122 container na ng smuggled sugar ang nasabat ng intelligence group na nagkakahalaga nang mahigit 182 milyong piso.

Bunsod nito pinagbibitiw na nang Sugar Alliance of the Philippines si Customs Commissioner Alberto Lina dahil sa pagtaas ng kaso ng sugar smuggling sa bansa.

Ayon sa Sugar Anti-Smuggling Organization ang bilang ng mga nakukumpiskang illegal shipment ng asukal ng Intelligence Group sa nakalipas na 4 na buwan ay katumbas na umano sa 1/3 ng dami ng nakumpiska ng BOC sa nakalipas na 5 taon.

Kaya naman muling susulatan ng Sugar Alliance ang Pangulo upang iparating ang kanilang pagkadismaya sa nangyayari sa BOC at upang hilingin na palitan na si Commissioner Lina.

Wala pang tugon si Lina sa naturang panawagan.

Ngunit aminado naman ang pinuno ng Intelligence Group ng BOC na sa kabila ng mga nakukumpiskang smuggled sugar may mga nakakalusot pa rin sa kanila.

Batay sa impormasyong nakuha ni Bureau of Customs Deputy Commissioner Jessie Dellosa, may parating pang mga shipment ng smuggled sugar sa Pilipinas.

Inamin din ito na mahirap masugpo ang kurapsyon sa BOC dahil sa Tara System o ang lagayan upang palusutin ang mga kargamento.( Victor Cosare / UNTV News)

Tags: , ,